Thursday, November 10, 2011

Isang Klik Ka Lang Sa Akin!


Isang klik lamang. Ito ang kailangan kong  gawin para mabago muli ang aking Facebook status. Konting pindot, at voila! Na-update mo na ang iyong status. Ginawa ko ito upang malaman naman ng aking mga kaibigan kung ano na ang nagyayari sa akin. Sa mga makabagong panahon ngayon, madali sa mga tao ang mapag-iwanan sa mga bagay na bago. Dito ngayon pumapasok ang kagamitan ng mga social networking sites, tulad na lang ng Facebook, Twitter, Tumblr, at iba pa.
Karamihan sa mga tao ngayon ang nakikipag-usap sa isa’t isa gamit ang mga social sites na nabanggit. Nakakapagbahagi sila ng mga nangyayari sa kanila sa kasalukuyan gamit ang kanilang mga status o tweets, at nakakapagbahagi rin sila ng mga larawang gusto nilang makita ng iba.
Ngunit sa pagbabago ng panahon, hindi maiiwasan na magkaroon ito ng mga masamang epekto. Tulad nga ng sinabi ng isang kasabihan sa Ingles na “There exists no light without casting a shadow” (“Walang ilaw na sumisinag na hindi nakabubuo ng anino”), meron ding mga hindi kanais-nais na bunga ang mga social networking sites. Isa na dito ang cyber-bullying.
Hindi kumpleto ang isang barkada kung walang nang-aasar at inaasar. Pero sa panahon ngayon, nasa bagong lebel na ang sinasabing pambu-bully. Kadalasang nangyayari anf cyber bullying sa mga social networking sites na marami ang gumagamit, tulad na lang ng Facebook at Twitter. Dito nagmula ang mga hate comments, masasamang tweets, paninira ,at pagkakalat ng mga hindi totoong tsismis. Dito rin sa mga bagay na ito umiyak, nalungkot, nagalit at natakot ang maraming tao, karamihan sa kanila ay mga kabataan. Sa isang klik lamang, pwedeng mabago ang buhay at pag-iisip ng isang tao.
Nangyayari ang bullying sa pagiging inggit (jealousy), insecure, o sa hindi tamang pagpapahayag ng damdamin (misdirected feelings) na nagtutungo sa pananakit sa ibang tao, maging pisikal, sosyal o psychological man. Ang pinagkaiba ng cyber-bullying sa aktual na pambu-bully ay dahil sa ang naunang nabanggit ay hindi direktang nagagawa sa harapan ng taong binu-bully. Makikita ang mga halimbawa nito sa Facebook, Twitter, at lalo na sa Formspring.
Ang Formspring ay isang social website din na marami ang gumagamit. Dito, pwede kang magtanong ng kahit na ano sa mga taong kilala mo. Yun nga lang, sa site na ito, pwede ang pagkakapareho ng username, at dahil duon, hindi mo makikilala kung sino ang mga taong nagtatanong sa iyo. Dito madalas nagkakaroon ng mga paninira at pagba-backstabbing. Alam ko yan, meron akong mga kaibigang nagging biktima na ng cyber-bullying sa Formspring.
Ano naman kaya sa tingin ninyo ang maaring solusyon sa cyber-bullying? Isa lang ang masasabi ko dyan: wala. Base sa aking karanasan, walang sinuman ang makakaiwas sa cyber-bullying, kaya ibayong ingat at internet etiquette lang ang kailangan. Kung may mga nambu-bully sa iyo, mas mabuting huwag na lang itong pansinin. Posible itong matigil pagkaraan ng ilang araw. Pero kung mas lalong lumalala ang pambu-bully, dito ka na siguro dapat humingi ng tulong sa mga taong nasa paligid mo at harapin ang problema bilang isang edukadong tao.
Isang klik lamang. Yan lamang ang kailangan kong gawin upang mabago muli ang Facebook status ko. Kay dali ‘di ba? Ngunit sa bawat klik natin, kailangan nating tandaan na dapat maging responsable tayo sa mga nilalagay natin sa ating mga accounts. Hindi maganda ang pagtapak sa dignidad ng ibang tao. Sa isang klik, pwede tayong makabuo o makasira ng araw ng isang tao. At sa isang klik, nagtatapos na rin ang lathalaing ito.
KLIK!